Nababahala si Quezon City Rep. Kit Belmonte sa resulta ng census ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa 2020 Census of Population and Housing (CPH) na posibleng makaapekto sa paghahatid ng social services ng pamahalaan ngayong pandemya.
Tinukoy ni Belmonte ang resulta ng latest CPH sa biglang pagbagsak ng bilang ng populasyon sa Quezon City sa 50%.
Hindi rin aniya nagtutugma ang figures na nakatala sa Civil Registry Department ng lungsod na may estimated births na 300,000 at deaths na nasa 100,000 sa nakalipas na limang taon, pero nasa 23,932 lamang ang naitalang population increase o katumbas ng 0.81% lang sa kabuuang populasyon sa Metro Manila.
Binigyang diin ng kongresista na makakaapekto ang magkakaibang bilang na ito sa pandemic response ng lungsod tulad ng alokasyon sa bakuna, financial assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) at pamamahagi ng tulong mula sa city government.
Bunsod nito ay tiniyak ng PSA na makikipag-ugnayan ito sa National Economic and Development Authority (NEDA) at sa Department of Budget and Management (DBM) para tugunan ang mga discrepancies sa resulta ng census.
Sinabi naman ni Appropriations Vice Chair Ruffy Biazon, sponsor ng PSA budget na sinunod ng ahensya ang standard operating protocols sa pagsasagawa ng census noong 2020 tulad sa mga nakalipas na census.