Inaasahang ilalabas sa Nobyembre ang resulta ng clinical trials ng Department of Science and Technology (DOST) sa Virgin Coconut Oil (VCO) bilang supplement ng mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon kay Science Secretary Fortunato Dela Peña, mayroong 52 active subjects ang sumasailalim sa VCO trials ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna.
Mula sa 52 pasyente, 30 dito ang natapos na ang 28-day intervention habang nagpapatuloy ang nasa 22 iba pa.
Kailangan pa ng clinical study ng apat pang pasyente para maabot ang require na bilang na 56.
Sa Sta. Rosa Community Hospital, ang mga pasyente ay bibigyan ng VCO sa almusal, tanghalian, at hapunan sa loob ng 28 araw at oobserbahan ang kanilang kondisyon.
Patuloy naman ang recruitment ng mga pasyente para sa VCO trials sa Philippine General Hospital (PGH) kung saan 50 pasyente ang bibigyan ng VCO habang ang 50 iba pa ay hindi.