Resulta ng COVID-19 testing ni DOH Sec. Duque, hihintayin muna bago isalang muli si PRRD sa pagsusuri

Naka-antabay ang Department of Health (DOH) sa resulta ng COVID-19 test na isinagawa kay Health Sec. Francisco Duque III.

Si Sec. Duque ay naka-quarantine ngayon at sumailalim sa pagsusuri matapos ma-expose sa isang nilang opisyal sa kagawaran na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Health Asec. Maria Rosario Vergeire, sa ngayon ay nasa mabuting kondisyon si Sec. Duque, siya ay nag-work from home at nagdadaos pa rin sila ng teleconference upang masigurong naihahatid pa rin ang mga impormasyon patungkol sa coronavirus.


Sinabi pa ni Vergeire na agad sinuri si Sec. Duque dahil mayroon itong underlying condition tulad ng asthma at highblood at maituturing na rin itong elderly na kwalipikasyon para maisalang sa testing.

Paliwanag pa ni Vergeire, hihintayin muna nila ang resulta ng COVID-19 test kay Sec. Duque bago muling isailalim sa testing si Pangulong Rodrigo Duterte.

Nabatid na nagkasama kasi ang Pangulo at si Sec. Duque sa Inter-Agency Task Force (IATF) meeting nitong mga nakalipas na araw.

Una nang sumailalim sa COVID-19 test ang Pangulo matapos naman itong ma-expose sa ilang cabinet officials na nakahalubilo ng COVID patients.

Negatibo ang resulta ng naturang pagsusuri.

Facebook Comments