Gagamitin ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pinakahuling survey ng Pulse Asia para kumbinsihin ang mga kapwa senador na suportahan ang dagdag na P150 na sahod sa mga manggagawa sa buong bansa.
Sa latest Pulse Asia survey na ginawa mula June 19 hanggang 23, tinanong ang pinaka-urgent na national concern kung saan lumabas na pumapangalawa sa top issues sa buong bansa ang pagtataas sa sweldo ng mga manggagawa na nasa 44 percent sunod sa nangungunang pagkontrol ng inflation na nasa 63 percent.
Lumabas din sa survey na 97 percent ng mga Pilipino ang nagsasabing pabor sila sa dagdag na P150 sa daily minimum wage sa lahat ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Zubiri, kamangha-mangha ang halos 99% na pagsangayon ng mga tao sa panukalang dagdag na P150 sa arawang sahod na nangangahulugan na walang duda na kailangang kailangan na talaga ang umento sa sahod.
Para mahimok ang mga kapwa mambabatas sa kanyang isinusulong na across the board wage increase, gagamitin ni Zubiri ang survey bilang “Exhibit A” nang sa gayon ay suportahan ng mga kasamahan ang itinutulak na legislated wage hike oras na magpatuloy ang deliberasyon nito sa Senado.
Dahil may nauna nang P40 wage increse sa Metro Manila, balak niyang gawin itong graduated kung saan P110 sa Metro Manila habang P150 naman sa mga lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.