Inaasahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na mailalabas na sa susunod na buwan ng task force ang resulta ng imbestigasyon sa ilang katiwalian at korapsyon sa kagawaran.
Ayon kay Villar, umaasa siya na mayroon ng resulta ang imbestigasyon ng binuo nitong Task Force Against Graft and Corruption (TAG) kung saan nakalatag na rin sana ang ilan nilang obserbasyon, mga findings at rekomendasyon sa hawak nilang reports sa mga anomalya sa departamento.
Inamin naman ni Villar na batid niyang may nagaganap na mga iregularidad sa loob ng DPWH.
Aniya, marami sa mga malalaking contractors ang na-blacklisted na umaabot na sa 30 simula pa ng nagdaang administrasyon.
Matatandaan na unang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na ang korapsyon ay ‘open secret’ sa public works projects at kasabwat umano dito ang ilang corrupt officials sa DPWH at ilang mambabatas.
Isa rin sa dahilan kung bakit binuo ni Villar ang task force ay dahil sa inilabas na report ng Commission on Audit na mayroong P101.7 bilyong halaga ng 2,000 na proyekto na na-delay at hindi naimplementa nitong mga nakalipas na taon.