Resulta ng imbestigasyon ng NBI laban sa mga ospital na tumangging mag-admit sa senior citizen na pasyenteng namatay, ilalabas na ngayong linggo

Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isusumite na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Biyernes ang resulta ng imbestigasyon laban sa anim na ospital na tumangging i-admit o tanggapin ang isang senior citizen na kalaunan ay namatay.

Una nang inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang NBI na imbestigahan ang reklamo ng pamilya ng 65 years old na si Ladislao Cabling na taga-Cabanatuan, Nueva Ecija na pinagpasa-pasahan at tinanggihan sila ng anim na ospital hanggang sa namatay ang biktima na hindi man lang sumailalim sa COVID-19 test pero mayroong asthma.

Sinabi ni Guevarra na kapag natanggap na niya ang investigation result ay pag-aaralan naman ito ng National Prosecution Service para sa kaukulang aksyon o ligal na hakbang.


Magugunitang sa press conference ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi ay binalaan nito ang mga ospital na tumatangging tumanggap ng mga pasyente na pananagutin niya ang mga ito sa pamamagitan ng imbestigasyon ng DOJ.

Facebook Comments