Accidental firing ang resulta ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ng kanilang Counter-Terrorism Division Chief na si Raoul Manguerra at hindi suicide.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ito ang report na ipinaabot sa kanya ni NBI Officer-in-Charge Dir. Eric Distor.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye ang kalihim kung sino ang nakabaril o kanino ang baril na nagamit sa accidental firing.
Dahil dito, inalis na ang anggulong foul play sa pagkamatay ni Manguerra.
Una nang kinumpirma ni Sec. Guevarra na may malubhang karamdaman si Manguerra at mag-isa lamang ito sa kanyang opisina nang matagpuang wala nang buhay at may isang tama ng bala ng baril sa tiyan.
Nasa NBI ngayon ang mga labi ni Manguerra kung saan isang misa ang idinadaos.
Mamayang gabi ay ibabalik naman ito sa Pasig City at bukas ike-cremate, bago dalhin sa Batangas.