Resulta ng imbestigasyon sa Recto Bank incident, pinapasapubliko ng isang senador

Manila, Philippines – Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Malakanyang na isapubliko ang resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority o MARINA.

Kaugnay ito sa Recto Bank incident kung saan binangga ng isang Chinese vessel ang bangka ng mga Pilipinong mangingisda at inabandona sila sa karagatan.

Ikinatwiran ni Drilon na dapat sumunod ang Malakanyang sa umiiral na transparency sa gobyerno dahil ang usapin ay may kaugnayan sa interes ng publiko.


Ang mensahe ni Drilon sa Malakanyang ay kasunod ng pahayag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na naisumite na nila sa Palasyo ang report ng PCG at MARINA noon pang June 20.

Aminado si Drilon na ikagugulat pero ikatutuwa niya kung ang resulta ng nabanggit na imbestigasyon ay hindi katulad sa konklusyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maliit na aksidente lang sa karagatan ang nangyari.

Facebook Comments