Sumasalamin lamang sa resulta ng Pulse Asia Survey na nakikita ng mga Pilipino ang presensya at pagtugon ng Marcos administration, partikular sa mga kalamidad na tumatama sa bansa, at sa COVID-19 pandemic.
Sa nasabing survey, ang mga kategoriyang ito ang nakakuha ng pinakamataas na approval rating o 78%.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Prof. Froilan Calilung, isang political analyst, at faculty member ng UST, tulad ng mga nagdaang kalamidad, agad aniyang nakita ng mga apektadong residente ang presensya ng pangulo sa mga isinagawa nitong aerial inspection.
Maganda aniya ang hindi pagtungo ng pangulo sa mismong mga apektadong lugar, dahil hindi siya nakaabala sa mga ipinatutupad na pagtugon ng mga lokal na pamahalaan.
Hindi rin aniya nag-micro manage ang pangulo, at hinayaan niya ang Local Government Units (LGUs) na gawin ang kanilang mandato.
Sa COVID-19 response naman, nagpapatuloy aniya ang pangulo sa paglaban sa pandemiya, at pagpapaigting ng booster campaign.
Sinabi ni Prof. Calilung na mas magiging maganda ang pagharap pa rin sa pandemya kung magkakaroon na rin ng health secretary ang Department of Health (DOH).