
Posibleng malaman na sa mga susunod na araw ang resulta ng pagsusuri sa mga reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Assistant Secretary Mico Clavano, tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ), dito malalaman kung irerekomenda na ang preliminary investigation o kailangan pa ng case build-up.
Tiniyak naman ni Clavano na bibigyan ng tamang proseso si VP Sara upang makapagsumite ng kontra salaysay.
Kahapon nang matanggap ng DOJ ang reklamo ng NBI na nagrerekomenda rin na kasuhan si Duterte ng Inciting to Sedition at Grave Threats kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Nag-ugat ito sa pahayag ni VP Sara na may inutusan na siyang assassin para patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.