Resulta ng survey ng SWS patunay na mali ang mga kritiko ng administrasyon ayon sa Malacañang

Ikinatuwa ng palasyo ng Malacañang ang resulta ng survey ng Social Weather Station o SWS para sa 4th quarter ng 2018 kung saan ay nakakuha ang administrasyon ng ratings na very good matapos makakuha ng 66% satisfaction ratings noong Desyembre.

 

Batay sa detalye ng resulta ng survey ay nakakuha ang administrasyon ng 71 points sa pagsusulong ng karapatan ng mga babae, 70 points sa maintenance ng public works, 68 points sa pagtulong sa mga mahihirap, 62 points sa pagprotekta sa karapatang pantao at 60 points sa reconstruction ng Marawi City.

 

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, ipinapakita lang dito na hindi matitibag ang suporta ng mamamayan kay Pangulong Duterte at sa buong administrasyon nito.


 

Pinatutunayan din aniya nito na mali ang mga kritiko ng administrasyon na tinatawag na basetos sa mga babae, Anti-Poor, at Anti Human Rights si Pangulong Duterte.

 

Sinabi din ni Panelo na dapat ay mapagtanto ng mga kritiko na hindi na pinapansin ng mga supporters ng administrasyon ang kanilang mga birada laban sa pamahalaan.

 

Tiniyak din naman ni Panelo na hindi rin magpapakakampante ang pamahalaan at gagawin ang lahat para maipagpatuloy ang mga magagandang proyekto para mapagaan ang buhay ng mga Pilipino.

Facebook Comments