Manila, Philippines – Sa tingin nina Senate Majority Leader Tito Sotto III at Nina Senators Panfilo Ping Lacson, Sherwin Gatchalian, at Sonny Angara tanggap ng mga Pilipino ang war on drugs na ikinasa ng Duterte administration sa kabila ng inaani nitong mga kritisisimo, lalo na sa isyu ng extra judicial killings.
Ang pahayag ay ginawa ng apat na mga senador kasunod ng pulse Asia survey na nagsasabing 88% ng mga Pilipino ang sumusuporta sa laban kontra droga habang 73 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang may EJK.
Para kay Lacson, ang survey result ay nagpapakita na dismayado na ang taongbayan kaya tanggap na ng mga ito anuman ang paraan para masupil ang ilegal na droga sa bansa.
Isang puntos din aniya na sa loob ng mahabang panahon ay ngayon lang tayo nagkarooon ng pangulo na may political will at matinding determinasyon na tuldukan ang pamamayagpag ng bawal na gamot sa bansa.
Sabi naman ni Senator Gatchalian, ang survey result ay nagbibigay ng malinaw na mandato sa Duterte administration na ituloy ang kampanya laban sa ilegal na droga sa kabila ng mga puna dito.
Pero giit nina Gatchalian at Angara, dapat maibalik ang tiwala ng mamamayan sa kredibilidad ng mga law enforcement agencies sa pamamagitan ng pagpapatupad ng reporma na sisigurong lahat ng hakbang ng mga otoridad ay naaayon sa batas at may pagrespeto sa karapatang pantao.
Si Senator Sotto naman, ipinagmalaki na ngayon ay may karamay na sya sa laban kontra droga na tila mag isa niyang isinusulong simula pa noong 1988.