Resulta ng swab test ng walong Senador na magtutungo sa Batasan Complex para sa SONA ng Pangulo, inaantabayanan

Kahapon ay sumailalim na sa COVID-19 swab test ang walong Senador na magtutungo sa Batasan Complex mamayang hapon para State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kinabibilangan ito nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senators Juan Miguel Zubiri, Francis Tolentino, Christopher “Bong” Go, Ramon “Bong” Revilla Jr., Ronald “Bato” Dela Rosa, Sherwin Gatchalian at Pia Cayetano.

Ayon kay Senate President Sotto, ngayong umaga inaasahang lalabas ang resulta ng kanilang swab test at pagdating sa Batasan Complex mamaya ay sasailalim naman sila sa COVID-19 rapid test.


Samantala, ang Senado naman ay handang-handa na para sa pagbubukas ng 2nd regular session ng 18th Congress, alas-10:00 ngayong umaga.

At bilang pagsunod sa health and safety protocols laban sa COVID-19 ay nilagyan ng glass divider ang bawat lamesa ng mga senador sa session hall gayundin ang mahabang lamesa sa VIP o Senator’s lounge.

Inaasahang nasa 18 senador ang magiging physically present sa pagbubukas ng session habang ang iba ay lalahok sa pamamagitan ng teleconferencing.

Ayon kay SP Sotto, hangga’t umiiral ang state of national emergency dahil sa COVID-19 pandemic ay magpapatuloy ang pagsasagawa nila ng hybrid na plenary sessions at mga committee hearing.

Facebook Comments