Ikinatuwa ng Malacañang ang naging resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ito’y kaugnay sa pito mula sa sampung pamilyang Pilipino ang nakatanggap ng financial assistance mula sa pamahalaan simula nang magkaroon ang COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, isa itong patunay na nagagampanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nito na tulungan ang mga Pilipinong naghirap sa gitna ng quarantine measures na ipinatupad.
Sinabi pa ng kalihim na ang nasabing survey nagpapatunay na nakaabot ang tulong ng pamahalaan sa nakararami sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nabatid na isinagawa ang SWS National Mobile Phone Survey noong September 17 hanggang 20, 2020 kung saan nasa 1,249 na indibwal ang sumalang sa survey.
Ilan sa mga tumulong sa pagbibigay ayuda ang Department of Social Welfare and Development’s Social Amelioration Program (SAP), Department of Labor and Employment’s Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP), Tulong Panghanap-buhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP).