Manila, Philippines – Nirerespeto ng pamunuan ng Philippine National Police ang resulta ng survey ng Social Weather Station o SWS na nagsasabing 63 porsyento na mga Pinoy ay naniniwalang sumuko na ang isang drug personality pero pinapatay pa rin.
Ayon kay PNP Spokesperson police Chief Supt. Dionardo Carlos na sa kabila na ibinatay lang ng SWS ang tanong sa mga respondents sa kanilang mga persepsyon ay iginagalang nila ito.
Itinuturing naman ng PNP na isang malaking hamon ang pagbibigay ng tama at kumpletong impormasyon sa publiko patungkol sa war on drugs.
Batay sa pinakahuling datos ng pulisya, aabot na sa 3,850 drug personalities ang napapatay na sinasabing nanlaban umano during police operations.
Ito ay mula July 1, 2016 hanggang September 16, 2017.
Una nang sinabi ng PNP na paiigtingin nila ang kanilang information dissemination campaign upang mas mabigyan ng tama at kumpletong impormasyon ang publiko sa mga programa ng pulisya na may kinalaman sa iligal na droga.