Resulta ng SWS survey sa pagganda ng buhay ng mga Pinoy ginawang bala ng Palasyo laban sa mga kritiko nito

Manila, Philippines – Binuweltahan ng Palasyo ng Malacañang ang mga kritiko ng administrasyong Duterte matapos lumabas ang survey ng Social Weather Station o SWS na nagpapakita na tumaas ang bilang ng ating mga kababayan na nagsasabing umayos ang kanilang buhay sa nakalipas na 1 taon.

Batay sa survey ng SWS na ginawa noong Disyembre ng nakaraang taon ay nakita na 37% ng ating mga kababayan ang nagsabi na guminhawa ang kanilang pamumuhay kung ikukumpara sa kaparehong survey noong Setyembre ng 2018 kung saan ay lumabas na 28% lang ang nagsabi nito.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, isa itong malaking sampal sa mga kritiko, mga nasa oposisyon at maging ng mga nasa simbahan na patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga magagandang nangyayari sa bansa.


Ang survey aniya ay umaayon din sa ibang pag-aaral na nagsasabi na bumaba ang bilang ng mga nagugutom na Pilipino at pagbaba din ng bilang ng mga nagsasabi na sila ay mahirap.

Kaya naman hindi na aniya nakagugulat na marami pa rin ang nagtitiwala at sumusuporta kay Pangulong Duterte na siyang nagdala ng mga pagbabago sa bansa.

Pero sa kabila nito ay tiniyak din naman ni Panelo na hindi hihinto ang administrasyon na magtrabaho para mabigyan ng mas maginhawang buhay ang mga Pilipino.

Facebook Comments