Resupply boat ng Pilipinas, nagtamo ng matinding pinsala matapos bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard

Muling nagsagawa ng Rotation and Resupply (RoRe) mission ang civilian contracted vessel na Unaizah May 4 (UM4) sa Ayunging Shoal kahapon.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, habang naglalayag ang UM4 sa bahagi ng Ayungin Shoal patungong BRP Sierra Madre ay pinalibutan ito ng dalawang Chinese Coast Guard (CCG) vessels.

Dito nagsagawa ng dangerous manuevers ang dalawang CCG at sabay na binomba ang UM4.


Dahil sa insidente, nagtamo ng matinding pinsala ang naturang resupply vessel ng Pilipinas.

Nagawa namang saklolohan ng BRP Cabra ang UM4 at ineskortan ito matapos magtamo ng pinsala dulot ng pambobomba ng tubig ng dalawang CCG.

Ayon sa AFP, mahalaga ang RoRe mission sapagkat ipinapakita ng pamahalaan na pinangangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga sundalo na nakaposte sa BRP Sierra Madre.

Giit ni Trinidad, kinakailangan din kasi na ma-evacuate ang isang sundalo mula sa BRP Sierra Madre dahil sa ito ay nangangailangan ng seryosong atensyong medikal.

Facebook Comments