Hindi na manghaharang pa ang mga barko ng China sa mga barko ng Pilipinas na tutungo sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ang tiniyak mismo ng Chinese Ambassador kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon sa kalihim, nag-uusap sila ng Chinese Ambassador mula nang mangyari ang pagtataboy na ginawa ng 3 Chinese Coast Guard vessels sa dalawang sibilyang bangka na magdadala sana ng pagkain sa mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nitong November 16.
Sa insidente, ginamitan ng water cannon ng Chinese Coast Guard ang dalawang bangka na naging dahilan para hindi ituloy ang kanilang re-supply mission at bumalik sa Palawan.
Sinabi ni Secretary Lorenzana, babalik ulit sa Ayungin Shoal ang mga ito ngayong linggo para ituloy ang kanilang re-supply mission na hindi na kailangan pang i-escort ng Philippine Coast Guard o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources.
Sinabi nang kalihim, dito niya malalaman kung tapat sa kanilang salita ang mga Tsino.