Oobligahin na dumalo sa susunod na pagdinig ang mga resource person sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa war on drugs ng nakaraang Duterte administration matapos na bigong makaharap ang mga ito sa pagdinig ngayong araw.
Si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang humirit na ipa-subpoena ang mga hindi dumalo sa pagdinig.
Kabilang sa mga iisyuhan ng subpoena ad testificandum sina Retired Col. Royina Garma, si dating NAPOLCOM Commissioner at Retired Police Col. Edilberto Leonardo, si dating Bureau of Customs Intelligence Officer Jimmy Guban at ang umano’y drug lord na si Kerwin Espinosa.
Si Garma ay pinayagan ng quad committee na i-avail ang medical leave furlough habang si Leonardo naman ay nagkasakit ng COVID-19.
Si Guban ay ngayon lamang araw natanggap ang imbitasyon at kasalukuyang nasa kustodiya ng Kamara habang si Espinosa naman ay hindi ma-locate ng Senate secretariat ang address kaya humingi na ng tulong sa PNP para mahanap ito.
Dagdag pa sa mga ipina-subpoena sina dating PNP Chief Ret. Gen. Oscar Albayalde, dating PNP Chief Ret. Gen. Guillermo Eleazar, dating PNP Chief Ret. Gen. Dionardo Carlos, dating PDEA Dir. Gen. Isidro Lapeña at dating PDEA Chief Wilkins Villanueva.