Retail price ng sibuyas, naglalaro na sa ₱450 hanggang ₱600 kada kilo ayon sa grupong SINAG

Naglalaro na sa ₱450 hanggang ₱600 kada kilo ang retail price ng pulang sibuyas.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), batay sa kanilang monitoring ay biglang sipa mula ₱250 hanggang ₱370 kada kilo ang farmgate prices ng sibuyas.

Ani Cainglet, kahit sa kasagsagan o peak noon ₱370 kada kilo sa farmgate price ng sibuyas ang retail prices ay naglalaro lang dapat sa ₱430 hanggang ₱450 kada kilo.


Paliwanag ng SINAG, ginagamit na dahilan ng mga traders ang mahinang ani ng sibuyas upang bigyang katwiran ang pagsipa ng local farmgate price na sanhi ng pagtaas ng kasalukuyang presyo ng sibuyas.

Isinasabay rin aniya ng mga trader ang mga imported at smuggled onions na hindi pa nakukumpiska ng mga awtoridad.

Aniya, bagama’t hindi pa umaalma ang mga onion farmer, nagagamit ang mga ito para magkaroon ng artipisyal na pagtaas sa presyuhan ng sibuyas.

Apela ng SINAG sa gobyerno, silipin ang nangyayaring pananamantala mula post-farmgate hanggang retail stage ng bentahan ng sibuyas.

Facebook Comments