Retiradong Empleyado ng Provincial Security Group, Patay Matapos Tupukin ng Apoy ang Bahay!

237

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang retiradong empleyado ng Provincial Security Group o PSG matapos tupukin ng apoy ang bahay nito bandang alas nuebe kaninang umaga sa Purok 5, Daburab, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Danilo Sarandi, 65 anyos, may-asawa at residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Fire Officer 1 Eliseo Cabasal ng BFP Cauayan City, wala pa umano silang nakikitang sanhi ng sunog kaya’t patuloy pa ang kanilang isinasawang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.

Ayon umano sa ibinahaging impormasyon ng asawa ng biktima kay Cabasal ay iniwan lamang umano nito ang asawa upang bumili ng kanilang ulam subalit nang bumalik na umano ito ay nasusunog na ang kanilang bahay.

Ayon pa kay Cabasal, hindi pa umano matukoy sa ngayon ang kabuuang halaga ng pinsala ng sunog at wala rin umanong ibang nasaktan o nasugatan sa naganap na sunog bukod kay Sarandi.

Naapula ang sunog bandang alas diyes ng umaga sa tulong naman ng Rescue 922 habang ang mga labi ng biktima ay dinala na sa isang punerarya.

Facebook Comments