Cauayan City, Isabela-Tuwang-tuwa ang mga residente sa ilang barangay sa Santiago City, Isabela dahil sa pagdagsa ng tulong sa kanila mula sa isang Good Samaritan.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ret. Col. Maui Cornel, paraan niya ito upang makatulong sa kanyang mga kababayan na labis na naapektuhan ng COVID-19 ang kanilang mga kabuhayan.
Ayon pa kay Cornel, ramdam niya ang bawat pamilya na kailangang kumayod upang maitaguyod ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay.
Dahil dito, kaagad itong nagsagawa ng pamamahagi ng libreng face masks para sa mga tsuper ng tricycle, healthcare workers,at sa mga Santiagueño katuwang ang ilan pang volunteers.
Maliban dito, namahagi rin siya sa bawat kabahayan ng libu-libong piraso ng gulay gaya ng kalabasa, kamote mula sa kanyang sariling ani maging ang pagbibigay ng libreng manok.
Bukod pa dito,namahagi rin ng libreng eyeglasses sa mga senior citizen, gamit sa bahay gaya ng yero at poso.
Likas na umano para kay Cornel ang tumulong dahil naranasan niya rin ang sitwasyon ng ilang pamilya na minsan ay hirap din sa buhay.
Para naman sa ilang residente, hulog umano ng maykapal ang Good Samaritan para sa kanila ngayong hirap pa rin silang makabangon dulot ng pandemya.