Iginiit ng Department of Justice (DOJ) na hindi naman talaga literal na debate ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte kay retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, partikular sa usaping academic o political.
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na malinaw naman ang sinabi ng Pangulo na may dalawang katanungan lang ang nais niyang iparating kay Carpio.
Una ay kung sino ba ang nag-utos na paalisin ang Philippine Navy vessels na nagpapatrulya sa Scarborough Shoal noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Pangalawa aniya ay ano ang ginawang aksyon nina Carpio at dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario makaraang nabatid nila na hindi naman pala umalis doon ang mga barko ng China, kahit napagkasunduan ng Pilipinas at China na kapwa nila paaalisin ang kani-kanilang mga barko sa Scarborough Shoal.
Iginiit pa ni Guevarra na simula pa noong 2016 ay wala nang tigil si Carpio sa pagbibigay ng pahayag sa publiko kaugnay sa mga isyung may kaugnayan sa West Philippine Sea at wala naman aniyang bago sa mga pinagsasabi ni Carpio kaya hindi na ito dapat pang idaan sa debate.