Itinalaga na rin ng Supreme Court si retired Chief Justice Reynato Puno bilang amicus curiae sa oral arguments kaugnay ng mga petisyon laban sa Anti-Terror Law.
Makakasama na ni Puno ang unang itinalaga sa nasabing katungkulan na si retired Justice Francis Jardeleza.
Sa pinalabas din sa resolusyon ng Supreme Court, kinumpirma rin nito ang pag-dismiss sa petition for intervention ng dalawang Aeta na sina Japer Gurong at Junior Ramos.
Ito ay dahil sa mayroon silang pending na kaso sa Olongapo Regional Trial Court na kailangan munang maresolba ng mababang hukuman.
Una rito, naghain ng petisyon sa Supreme Court ang NUPL o National Union of People’s Lawyer na kumakatawan sa naturang mga katutubo na sinasabing inaresto ng militar noong nakalipas na taon,
dahil daw sa mga paglabag sa Anti-Terror Act.
Sa kanilang inihain na petisyon, iginiit ng NUPL na biktima ng Anti-Terror Act sina Gurong at Ramos partikular ang pagkakasangkot daw ng mga ito sa isang engkuwentro na ikinasawi ng isang sundalo noong nakalipas na taon.
Samantala, binigyan din ng pansin ng Supreme Court ang manifestation ng grupo ni dating Justice Antonio Carpio kaugnay ng Facebook post ni Southern Luzon Military Commander Antonio Parlade na sinasabing nagsasaad ng pagbabanta sa isang mamamahayag.
Nagdesisyon din ang Supreme Court na tatanggapin na rin ang resulta ng rapid test ng mga lalahok sa oral arguments, bastat ang ipapakitang resulta ay ginawa sa loob ng 72 hours bago ang ikatlong oral arguments sa February 16.
Dati kasi ay negatibong resulta ng RT-PCR test ang nirerequire ng Korte Suprema na may kamahalan ang presyo.