Retired Lt. General Antonio Parlade Jr., dinepensahan si NSA Eduardo Año mula sa mga kritiko tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte

Ipinagtanggol ni Retired Lt. General Antonio Parlade Jr., si National Security Adviser Eduardo Año mula sa mga pagbatikos matapos na arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Parlade na nagsilbing Commander ng Southern Luzon Command at isang Intelligence Officer, propesyunal na sundalo at walang bahid ang katapatan sa bayan ni Año.

Magkasama aniya silang naging battalion commander sa Southern Tagalog ni Año at makikita ang hindi matatawaran na katapatan sa bandila ng Pilipinas.


Giit pa ng retiradong heneral, hindi dapat na mawala ang pansin o pokus ng publiko sa tunay na kalaban ng mga Pilipino.

Hindi aniya ang buong pamahalaan ang kalaban kun’di ang Communist Party of the Philippines o CPP.

Si Año rin aniya ang nasa likod ng tagumpay ng NTF-ELCAC o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.

Sa ilalim ng pamumuno sa NTF-ELCAC ni Año ay maraming mga matataas na lider ng komunistang grupo ang na-neutralize.

Kabilang dito sina Benito at Wilma Tiamzon, Jorge Ka Oris Madlos, Menadro Villanueva, at Antonio Cule at maraming iba pa.

Kumikilos aniya si Año dahil sa kaniyang tungkulin at hindi sa politikal na paghihinganti.

Hindi aniya makatwiran na akusahang hindi tapat sa dating pangulo si Año lalo pa’t obligasyon niya na magbigay payo sa kasalukuyang gobyerno bilang National Security Adviser.

Facebook Comments