
Kinumpirma ng National Police Commission o NAPOLCOM na sinampahan na nila ng kasong administribo si retired Philippine National Police (PNP) Health Service Chief B/Gen. Jezebel Imelda Medina.
Ayon sa NAPOLCOM, ito ay dahil sa hindi umano pagsunod ng retiradong heneral sa direktiba nila kaugnay ng kaso ng isang pulis at ang pagsusuot ng mamahaling sapatos.
Ang suot na sapatos ni Medina ay nagkakahalaga ng P70,599.75 o halos katumbas ng isang buwang sahod ng pulis na may ranggong brigadier general.
Isa rin sa basehan ng NAPOLCOM ng pagsasampa ng kaso laban kay Medina ang hindi nito pagtupad sa paulit-ulit na hiling ng NAPOLCOM na magsumite ng psychiatric at psychological report ng isang patrolman ng Quezon City Police District o QCPD at vlogger na nag-post ng seditious remarks online.
Si Medina pa kasi noon ang namumuno bilang Health Service director.
Binigyang-diin ng NAPOLCOM na ang integridad, disiplina at pagsunod sa legal na otoridad ay hindi optional at ang ano mang gawain na sumisira sa tiwala ng publiko sa institusyon ng pulisya ay iimbestigahan at tutugunan alinsunod sa batas.










