Pinatitiyak ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na hindi na dapat mapayagang makapag-may ari ng baril ang nag-viral na retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales matapos na magkasa ng baril sa isang siklista sa Quezon City.
Giit ni dela Rosa, dating Philippine National Police (PNP) chief, hindi na dapat makahawak ng baril si Gonzales kahit pa magkaayos ang dalawang panig.
Punto ng senador, kapag pinayagang magmay-ari ng baril si Gonzales ay posibleng may makasahan nanaman lalo’t hindi ito ang unang pagkakataon na nakaladkad ang dating pulis sa parehong insidente.
Para naman kay Senator Jinggoy Estrada, hindi dapat hayaang magpatuloy ang ganitong “culture of impunity” lalong lalo na sa mga public roads.
Malinaw aniya sa nangyaring insidente na si Gonzales ay panganib sa cycling, commuting at sa riding public.
Sinabi pa ni Estrada na kung hindi dahil sa mga vloggers ay hindi lulutang ang isyu, mababaon sa limot, maaagrabyado ang publiko at tiyak na mauulit pa ang insidenteng ito sa iba.
Kung si Senator JV Ejercito ang tatanungin, nais niya na bukod sa pag-aalis ng lisensya sa pagmamay-ari at pagdadala ng baril ni Gonzales, hiniling ng senador na mabawi na rin ang driver’s license nito ng Land Transportation Office (LTO).
Nagpaalala naman ni Senator Christopher “Bong” Go sa dating pulis na si Gonzales na bilang dating ‘law enforcer’ ay nalalaman nito na hindi ginagamit ang baril na panakot sa mga kababayang wala namang kalaban-laban at inosente.