Puspusan na ang paghahanda ng Philippine National Police (PNP), para sa nalalapit na pagreretiro ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, mahigit dalawang linggo nang naghahanda ang PNP para sa igagawad na retirement honors para kay Acorda.
Nabatid na magreretiro sa serbisyo si Acorda sa darating na December 3, araw ng Linggo.
Sa ngayon, wala pang impormasyon kung may napili na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na susunod na hepe ng PNP o kung pinalawig nito ang serbisyo ni Acorda.
Ilan sa matunog na posibleng maging hepe ng PNP ay sina PNP Deputy Chief for Administration Police Lieutenant General Rhodel Sermonia, PNP Deputy Chief for Operations Police Lieutenant General Michael John Dubria at PNP chief of the Directorial Staff Police Lieutenant General Emmanuel Peralta.
Gayundin sina PNP SAF Director Police Major General Bernard Banac, PNP CIDG director Police Major General Romeo Caramat Jr., PNP Directorate for Comptrollership director Police Major General Rommel Francisco Marbil at NCRPO regional director Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr.