Cauayan City, Isabela- Nagsagawa ng Retooled Community Support Program o RCSP ang pamahalaang lokal ng Benito Soliven, Isabela sa pangunguna ng kanilang alkalde na si Hon. Roberto Lungan.
Katuwang ng LGU Benito Soliven sa pagsasagawa ng RCSP ang kasundaluhan ng 95 th Infantry Battalion na pinamumunuan ni LTC Carlos Sangdaan Jr, na ginanap sa barangay Guilingan ng nasabing bayan.
Layunin ng programa na matugunan ang mga pangunahing isyu ng nasabing barangay batay na rin sa nilagdaang EO 70 ni Pangulong Duterte o ang Whole of Nation Approach to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa mga barangay na apektado ng insurhensiya.
Sinabi ng alkalde na ang naturang programa ay bahagi ng kanilang pagsuporta sa gobyerno sa pamamagitan ng NTF-ELCAC na layong matugunan ang mga pangunahing isyu o problema ng mga mamamayan.
Kaugnay nito, pinasalamatan ni LTC Sangdaan Jr., ang mamamayan sa lugar sa patuloy na pakikipagtulungan sa kasundaluhan at sa iba pang ahensya ng gobyerno upang tuluyang masugpo ang mga teroristang CPP-NPA-NDF.
Patuloy naman ang panawagan ng kasundaluhan sa mga mamamayan na suportahan ang mga programa ng pamahalaan.
Hinikayat din ng Opisyal ang mga natitira pang mga miyembro ng CPP-NPA na sumuko na dahil bukas ang himpilan ng Salaknib Battalion upang tulungan ang sinumang magbabalik-loob para sa kanilang pagbabagong buhay kasama ang kani-kanilang mga mahal sa buhay.