Ipinasasailalim sa retraining o muling pagsasanay ang Immigration Officers (IO) na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang suhestyong ito ay mula kay Senator Grace Poe kaugnay na rin sa insidente ng pag-offload sa isang pasahero na papunta ng Israel na bukod sa naiwan sa kanyang flight matapos ipitin ng IO na nagtatanong sa kanya ay hiningan pa ito ng yearbook at maging ng graduation picture na walang kaugnayan sa kanyang byahe.
Hinihimok ni Poe ang Bureau of Immigration (BI) na isalang sa retraining ang kanilang mga tauhang nagsasagawa ng screening process sa paliparan.
Ito ay upang mapaalalahanan sila ng mga dapat itanong at kung ano lang ang mga dokumentong kailangang hanapin sa mga lalabas ng bansa.
Pinadaragdagan din ni Poe ang IOs na naka-deploy sa screening counter ng paliparan upang maging mabilis ang pagproseso ng mga indibidwal na babyahe sa ibang bansa.
Sa naging pagdinig kahapon ng Senado ay kinumpirma ni Immigration Chief Norman Tansingco kay Poe na ni-relieve na nila ang kanilang tauhang sangkot sa insidente at ngayon ay nakadestino sa kanilang administration office.
Magkagayunman, itinatanggi umano ng Immigration Officer ang bintang kaya iginiit ni Poe na dapat mailabas ang CCTV footage ng insidente.