Aabutin ng isang taon ang retrofitting o pagpapatibay sa Magat Dam kapag ito ay nasimulan.
Ito ang sinabi ni National Irrigation Administration o NIA acting Administrator Eduardo Guillen, sa Laging Handa public briefing.
Ayon kay Guillen, sa mga nakalipas na paglindol ay naapektuhan ang Magat Dam, kaya kailangan na aniyang patibayin o gawin ang retrofitting.
Bukod dito, sinabi ni Guillen, lumang-luma na ang Magat Dam dahil 48 taong na ito mula nang maitayo.
Malaki na aniya ang magagastos sa gagawing retrofitting, sa katunayan ayon sa kanilang mga engineer, aabot ng halagang P500 million ang dapat na ilaang pondo para mas maging matibay ang Magat Dam.
Binigyang diin ni Guillen na maraming umaasa sa Magat Dam, lalo na ang mga magsasaka at Irrigators Association para sa kanilang patubig.
Sa ngayon, aniya nagtutulong-tulong na ang iba’t ibang ahensya para mapondohan ang gagawing retrofitting, at isa aniya sa nagbigay ng tulong si Senadora Imee Marcos.
Ang Magat Dam ay matatagpuan sa Ilog Magat, sa pagitan ng bayan ng Alfonso Lista, sa lalawigan ng Ifugao at bayan ng Ramon sa Isabela.