
Ipatutupad simula sa Sabado, March 20 ang suspensyon ng pagpasok ng mga dayuhan at returning overseas Filipinos na non-overseas workers sa bansa.
Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 at pagpasok ng mga bagong variants mula sa ibang bansa.
Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 5, ang mga sumusunod na indibidwal ay exempted sa entry ban:
- Mga may hawak ng 9(c) visas
- Medical repatriation at ang kanilang escort ay inendorso ng DFA-OUMWA o OWWA
- Distressed Returning Overseas Filipinos na indendorso ng DFA-OUMWA
- Emergency o humanitarian cases na aprubado ng National Task Force against COVID-19
Inatasan na rin ng pandemic task force na limitahan ang bilang ng inbound international passengers sa 1,500 kada araw.
Una nang ipinatupad ang uniform curfew at pagbabawal sa mga menor de edad na lumabas ng bahay sa Metro Manila.
Umiiral din ang granular lockdown at liquor ban sa ilang siyudad.
Sa ngayon, nakapagtala na ang Pilipinas ng 117 UK Variant cases, 90 South African Variant cases at 85 COVID-19 cases na mayroong dalawang mutations.
Sa kabuuan, aabot na sa 631,320 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, 560,736 ang gumaling habang 12,848 ang namatay.









