Manila, Philippines – Irerekomenda ni House Minority Leader Danilo Suarez ang rigodon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sakaling mapatunayan ang alegasyon ng solicitation at pag-subcontract sa prangkisa at operasyon ng Small Town Lottery (STL).
Ayon kay Suarez, seryosong alegasyon ang umanoy pagbebenta sa operasyon ng STL sa mga highest bidders kung saan may mga reports na sangkot dito sina dating PCSO General Manager Alexander Balutan at PCSO Chairman Anselmo Pinili.
Hindi rin aniya biro ang halaga na pinag-uusapan dito.
Nilinaw ng Minority Leader na kapag ang ang ‘franchise to operate’ ay naibigay sa isang STL operator, hindi ito maaaring ma-i-subcontract at mahaharap sa kanselasyon ng prangkisa ang operator.
Nababahala si Suarez na nawawala ang layunin ng STL na makalikha ng trabaho at makapagbigay ng dagdag na kita sa gobyerno dahil umpisa pa lang ay mali na ang paraan ng pagpapatakbo dito.
Nilikha ang STL alinsunod sa Republic Act 1169 bilang dagdag na mapagkukunan para sa charity funds ng pamahalaan para sa health programs, medical assistance, services at charities.