Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na on-track ang target nito na P33 bilyon na kita para sa 2024.
Ito ay matapos na maitala ang mahigit 34% ang itinaas ng revenue collection ng LTO mula Enero hanggang Mayo ngayong taon kumpara sa kaparehong panahon noong 2023.
Ayon sa LTO, mula sa P12.8 bilyong koleksyon noong Enero hanggang Mayo 2023, umabot sa P17.19 bilyon ang nakolekta ng ahensya sa unang limang buwan ng taong ito.
Nagtala ng 15.33% na pagtaas ang Motor Vehicle Users Charge (MVUC) at 10.50% na pagtaas sa mga transaksyon sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho.
Kumpiyansa si LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na maaabot ang P33 bilyong koleksyon ngayong taon sa pamamagitan ng agresibong pagpapatupad ng mga hakbang lalo na sa pagpaparehistro ng sasakyan at aplikasyon at pag-renew ng lisensya sa pagmamaneho.