Iminungkahi ngayon ng Clean Air Philippines Movement ang pagpapatupad ng tinawag na ‘Reverse Hamlet Strategy’ sa bawat barangay upang tuluyang magapi ang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Atty. Leo Olarte, Pangulo ng Clean Air Philippines Movement, nakikita nila na sa ngayon na hindi sapat ang approach sa barangay level kaugnay ng COVID-19.
Aniya, kailangan dito ng isang barangay na 24/7 ang pagbabantay at may maayos na Barangay Health Emergency Response Team (BHERT).
Napansin kasi ng grupo na hindi man lamang organisado at equipped sa kagamitan at kapasidad ang health volunteers sa barangay level.
Sa ilalim ng hamlet strategy, dapat ibuhos ang COVID-19 efforts at resources sa lebel ng barangay dahil dito kayang-kayang ikontrol ang virus.
Mangangailangan aniya ito ng todo-todong suporta ng pamahalaan ang pribadong sektor.
Nagbabala ang naturang health advocate na kapag hindi napagtagumpayan ang laban sa pandemya, hindi na makakayanan ng Philippine health care system ang posibleng paglobo pa ng mga nagkakasakit dahil sa virus.