Nanindigan ang Malacañang sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi kailangan ang revolutionary government sa panahon ng kaniyang termino.
Taliwas ito sa naging pahayag ng Pangulo noong Lunes ng gabi na kailangan ang public debate sa isyu at dapat ay isali sa talakayan ang militar.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, hindi kailangan ang RevGov dahil ang pinatatakbo ngayon ay isang constitutional government.
Aniya, papasok lang ang pampublikong debate sa RevGov kapag may mga sektor na nais maglabas ng kanilang hinanakit at kailangan ang isang revolutionary government.
“Pero kung mayroong mga tao, mga sektor na mayroong mga hinanakit at tingin nila kinakailangan ng revolutionary government para ma-address itong mga hinanakit nila, eh diyan po papasok iyong diskurso na pampubliko sa mga issues na mahalaga sa ating mga pang-araw-araw na buhay bilang isang bansa” – ani Roque.