Nagbabala si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) ukol sa posibleng kahihinatnan sakaling mabigo itong ipatupad ang Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarian Law sa darating na Enero. Kilala bilang tagapagtanggol ng karapatan at kapakanan ng mga senior citizens, binigyang-diin ng senador na dapat simulan na ng NCSC ang pamamahagi ng mga benepisyo pagsapit ng Bagong Taon. Kung hindi, maaari itong harapin ang galit ng mga lolo at lola na matagal nang naghihintay ng biyayang ito mula nang lagdaan ang batas noong Marso 2024.
“Huwag magkakamali ang NCSC na hindi ito agarang ipatupad. Hindi naman nila siguro idi-disappoint ang ating mga lolo at lola na inaabangan na ito since last March,” ani ni Revilla. “Sigurado naman akong ayaw nilang harapin ang galit ng ating mga nakakatanda,” dagdag pa niya.
Tinaguriang “Revilla Law,” ang Expanded Centenarian Law ay nagbibigay ng cash gift sa mga senior citizen na makakaabot ng edad 80, 85, 90, at 95. Sila ay mabibigyan ng tig-P10,000. Ang mga centenarian naman o ang mga senior citizen na aabot sa edad na 100 simula sa implementasyon ng batas ay makakatanggap ng one-time cash gift na P100,000.
“Sinigurado natin na mapondohan yan sa General Appropriations Act (GAA) o 2025 National Budget. Nakipag-ugnayan tayo sa Department of Budget and Management (DBM) para garantisado ang pondo. Now it’s in the NCSC’s hands to fully implement it and ensure that no lolo and lola will be left behind”, pahayag ng beteranong mambabatas. “Wala silang dahilan para hindi ito maipatupad.”
Ayon sa senador, halos 200,000 senior citizens ang inaasahang makikinabang sa ilalim ng batas. “Kaya nananawagan tayo sa NCSC na tuparin ang kanilang obligasyon. Siguruhin nila na handa na at maipapamahagi na ang mga payout pagpasok ng Enero 2025. Binigyan na sila ng sapat na oras at pondo para dito,” pagwawakas niya.