Thursday, February 12, 2026

Revilla, sumalang sa DOJ sa plunder complaint; tagasuporta nag-rally sa labas

Lumabas si dating Senador Bong Revilla matapos sumalang sa preliminary investigation sa Department of Justice (DOJ) kaugnay sa reklamong plunder na isinampa laban sa kanya.

Sa labas ng tanggapan ng DOJ, nagtipon ang mga tagasuporta ni Revilla upang ipahayag ang kanilang suporta. Ayon sa isa sa kanila, hindi si Revilla ang dapat managot kundi ang ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) gaya nina dating Undersecretary Roberto Bernardo at dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara.

Tumagal ng mahigit dalawang oras ang pagsalang ni Revilla sa DOJ. Bago umalis, nagpaabot siya ng mensahe sa kanyang mga tagasuporta.

Ayon kay Atty. Francesca Señga, counsel ni Revilla, naghain sila ng counter-affidavit sa reklamo kung saan kapwa akusado ng dating senador sina Bernardo, Alcantara, at dating DPWH-NCR Regional Director Gerard Opulencia.

Ipinagtataka ng kampo ni Revilla kung bakit siya lamang ang naiwan bilang respondent sa reklamo matapos mailagay sa Witness Protection Program ang tatlong nasabing opisyal.

Tumanggi namang magsalita sina Bernardo at Alcantara nang tanungin ng media matapos ang preliminary investigation.

Facebook Comments