Dumistansya ang TV host na si Willie Revillame sa “joke time” ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kaugnay ng tigil-operasyon ng ABS-CBN Broadcasting Corporation.
Sa episode ng “Tutok To Win” nitong Miyerkoles, biniro ni Roque si Revillame na baka may kinalaman ito kaya nawalan ng karampatang prangkisa ang dating home network.
Matatandaang naglabas ng cease and desist order ang National Telecommunications Commission (NTC) laban sa istasyon makaraang mapaso ang license to operate nila noong Mayo 4.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, ikaw lang ang napapanood sa buong bansa. Alam mo, duda ko, kaya ‘yung isa nawalan ng prangkisa [dahil] ikaw ang may kagagawan niyan eh. Oh, aminin! Aminin!,” bungad ng opisyal sa personalidad habang natatawa.
Bagama’t nakangiti, tila napailing dito ang Kapuso star at sinabing malaki ang utang na loob niya sa istasyong tinutukoy ni Roque.
“Dahil din doon po ako nagsimula, doon ako nakilala. Nasa puso ko pa rin po ‘yan. Kapamilya, Kapatid, Kapuso, bawat Pilipino, nandiyan,” seryosong sagot ni kuya Wil.
Bago pumirma ng kontrata sa GMA-7, si Revillame ay naging host ng “Wowowee” na napapanood noon sa ABS-CBN. Taong 2010 nang lumipat ito sa TV5 at pangunahan ang game show na “Wil Time Big Time.”
Pabiro naman siyang humirit kay Roque na huwag sanang idamay sa isyu.
“Baka ma-bash po ako. Nananahimik po ako,” natatawang banat ng TV host.
Pagkatapos nito ay natuon ang kanilang pag-uusap hinggil sa karagdagang aksyon ng gobyerno kontra COVID-19 at mga nangyayaring lockdown partikular sa Metro Manila.