“Iligal ang revolutionary government”.
Ito ang inihayag ng Integrated Bar of the Philippines kasunod ng paghimok ng grupo na kung tawagin ay Mayor Rodrigo Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) sa publiko na sumali sa kanilang kilusan upang madeklara ang revolutionary government at lumipat sa pederalismo ang pamamahala ng gobyerno.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni IBP National President Domingo Egon Cayosa na ang revolutionary government ay labag sa ating konstitusyon kung saan wala itong legal, factual, practical, o moral na basehan para isulong.
Giit ni Cayosa, ang pag-impluwensya ng grupo sa taong bayan para isulong ang revolutionary government ay maituturing na inciting to sedition.
Una nang inamin ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na siya ay inimbitahan ng grupo na dumalo sa nasabing pagpulong na nagsusulong para sa isang revolutionary government.
Sa interview ng RMN Manila kay PNP Spokesman Police BGen Bernard Banac, kinumpirma nito ang nasabing imbitasyon, pero hindi aniya dumalo rito ang PNP chief.
Tiniyak din ni Banac sa publiko na mananatiling non-partisan ang PNP pagdating sa usaping politikal.