Sinuportahan nina Senators Grace Poe at Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang ₱10-milyong reward ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makakatuklas ng vaccine o bakuna laban sa COVID-19.
Para kay Senator Poe, ang hakbang ng Pangulo ay pagkilala sa galing at talino sa paglikha ng mga Pilipino.
Diin pa ni Poe, ito ay panawagan din sa mga Pilipino na pairalin ang kabutihan at pagiging makatao sa pamamagitan ng paghanap ng lunas na siyang magpapago sa kasaysayan ng medisina at magbabalik sa normal na buhay ng bawat isa.
Nagustuhan din ni Senator Recto ang hakbang ng Pangulo pero mas mainam, aniya, kung bubuo ng grupo ng mga scientists ang gobyerno.
Ayon kay Recto, ito ay para maging bahagi ng pandaigdigang pagsisikap na makagawa ng mas mahusay na COVID-19 rapid test kit at bakuna.