Hinimok ni AKO BICOL Partylist Rep. Alfredo Garbin Jr. ang pamahalaan na magbukas ng RFID installation centers sa mga strategic location sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay Garbin, maaaring magbukas ng inisyal na RFID installation centers sa Bulacan, Pampanga, Tarlac, Pangasinan, Nueva Ecija, at Baguio dahil ilang mga residente na nakatira sa norte ay na nagta-trabaho sa Metro Manila at madalas bumabaybay sa North Luzon Express Way.
Dapat din aniya magkaroon ng naturang mga center sa south para naman sa mga residente ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Maaari rin aniya ito palawigin hanggang sa Calapan City, Naga City, Legazpi City, at Tacloban City.
Paghihimok pa ng mambabatas na samantalahin ng mga otoridad at kumpanya na nagkakabit ng RFID ang pagpapalawig sa deadline ng installation nito hanggang November 30 upang maihatid din ang serbisyo sa labas ng Metro Manila.