Rice Extension Services Program para sa rice farmers, tututukan ng TESDA

Inihayag ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagbibigay ng iba’t ibang skills training programs para sa Filipino rice farmers sa ilalim ng Rice Extension Services Program nito.

Ayon kay TESDA Officer-in-Charge Deputy Director General Rosanna Urdaneta na inuuna ng TESDA ang mga kursong pang agrikultura nito dahil naniniwala ang ahensya na ang pagpapahusay sa kasanayan ng mga magsasaka sa bansa ay tiyak na makatutulong na makamit ang seguridad at sapat na pagkain.

Paliwanag ni Urdaneta na sa pamamagitan ng scholarship program ng ahensya at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong sector, prayoridad aniya ang pagbibigay ng kasanayan at oportunidad sa kabuhayan para sa mga magsasaka ng palay.


Binigyang diin pa ng opisyal na ang Sektor ng Agrikultura ay isa sa mga pangunahing prayoridad ng bagong administrasyong Marcos sa pagpapalakas ng lokal na produksyon ng mga produktong sakahan at limitahan ang pag-aangkat ng mga kalakal.

Ayon pa ng TESDA na sa unang kalahati ng taong ito, may kabuuang 25,494 na magsasaka ng palay ang nakapag-enroll na sa iba’t ibang kurso sa TESDA sa ilalim ng Rice Extension Services Program kung saan karamihan sa kanila ay sumasailalim pa sa pagsasanay sa kani-kanilang mga kurso alinsunod sa pagpapatupad ng Republic Act 11203, o ang Rice Liberalization Act of 2019.

Facebook Comments