Iminungkahi ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa pamahalaan na mas pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti sa produksyon ng bigas o pagkakaroon ng rice self-sufficiency ng bansa sa halip na umaasa na lamang palagi sa rice importation.
Lubos na pinapasalamatan ni Lee, ang naging inisyatibo ni House Speaker Martin Romualdez na makuha ang pangako at pagtiyak ni National Assembly of Vietnam President Voung Dinh Hue sa pagsusuplay ng Vietnam ng bigas sakaling kailanganin ng Pilipinas.
Pero giit ni Lee, higit na mainam pa rin na magarantiyahan ang kakayanan ng local agriculture sector na matugunan ang pangangailangan sa suplay ng bigas ng sambayanang Pilipino.
Paalala pa ni Lee, ang ‘export policy’ ng iba’t ibang bansa ay hindi permanenteng kontrolado ng Pilipinas, tulad sa pasya ng India at Thailand na hindi muna sila maglalabas ng suplay ng bigas dahil mas uunahin nila ang pagtugon sa kanilang local rice demand.
Bunsod nito ay binigyang diin ni Lee na kailangang tulungan ang ating mga magsasaka na magkaroon ng kakayahan na makapagtanim at masiguro na mayroon silang aanihin para magkaroon tayo ng sapat na supply ng bigas.