Inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na pag-ani ng 9.8-M metric tons ng palay sa unang semestre ng 2021.
Sa virtual presser ng DA, sinabi ni Dr. Dionisio Alvindia, Program Director, DA-Integrated Rice Program, na sa kanilang projection, magiging maganda ang produksyon ng palay sa may 1.7-M hectares na palayan sa magiging anihan simula buwan ng Marso hanggang Hunyo.
Ani Alvindia, positibo silang makakamit ang mataas na produksyon ng palay dahil walang parating na mga bagyo sa unang bahagi ng taong kasalukuyan.
Malaki rin aniya ang naitulong ng Rice Tarrification Law upang maitaas ang lebel ng efficiency ng rice sector.
Sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), nakapagpamahagi ang DA ng mataas na kalidad ng binhing palay kung saan ay napataas aniya ng 400 kg per hectare ang naaning palay.
Mula rin sa bahagi ng RCEF fund, nakabili na ng 15,810 na makinaryang pansakahan.
Abot sa 6,323 na machineries ay nai-deliver na sa may 679,486 na rice farmer beneficiaries.
Sinabi pa ni Alvandia na dahil sa mga nai-deliver na makinarya, napaghusay ang land preparation at napagbuti ang kalidad ng ani.