Isinagawa ang blessing ceremony at pormal na pagbubukas ng rice retailing business ng Agoo Migrant Workers Association sa Barangay San Marcos sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Regional Welfare Office 1 at ng lokal na pamahalaan.
Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng Tulong PUSO Program, kung saan nakatakdang tumanggap ang asosasyon ng kabuuang ₱500,000.00 bilang grant.
Sa nasabing halaga, ₱100,000.00 na ang ipinagkaloob bilang unang tranche para sa pagsisimula at pagpapatatag ng negosyo.
Ang Tulong PUSO o Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs ay isang programa ng OWWA na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga organisado at rehistradong samahan ng OFWs para sa mga proyektong pangkabuhayan.
Inaasahang makapagbibigay ang nasabing rice retailing business ng de-kalidad at abot-kayang bigas sa komunidad, habang nagsisilbi ring tuloy-tuloy na pinagkukunan ng kita ng mga kasapi ng asosasyon.





