*Ilagan City, Isabela- *Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang pakikipagdayalogo sa mga apektado ng Rice Tariffication Law noong Marso 1, 2019 sa Provincial Capitol ng Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Regional Director Narciso Edillo ng DA Region II, naipaliwanag na sa mga magsasaka ang drafts ng nasabing batas hinggil sa kahalagahan ng pag-aangkat ng mga imported na bigas mula sa mga karatig bansa.
Sa pakikipagdayalogo ng iba’t-ibang ahensya na kinabibilangan ng DA Region II, NFA Region II, National Irrigation Administration Region II at ng PhilRice Manila sa mga magsasaka ay kanilang tiniyak na hindi mapapabayaan ang mga magsasaka.
Sa nangyaring dayalogo ay nasambit ng mga magsasaka ang kanilang hinaing kaugnay sa mababang presyo ng palay na siya namang pinag-aaralan ng mga kinauukulang ahensya.
Tiniyak naman ng pamahalaan na mabibigyan ng sapat na tulong, subsidiya at pautang ang mga magsasaka sa pamamagitan ng P10 bilyon na inilaan ng gobyerno.
Samantala, nilinaw rin sa ginanap na dayalogo na hindi na mag-iimport pa ng bigas ang NFA dahil tututukan na lamang ang pagbili ng mga palay sa mga local farmers para sa buffer stocking.