Muling pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) ang mga epekto ng Rice Tariffication Law (RTL), gayundin ang tungkulin ng National Food Authority (NFA) sa pagtitiyak ng food security sa bansa.
Sa ilalim kasi ng Rice Tarrification Law, ang tanging mandato lamang ng NFA ay tiyaking sapat ang supply ng bigas sa bansa pero bago pa magkaroon ng ganitong batas, ang NFA ang ahensyang nagbabantay at nangangasiwa sa importasyon ng mga bigas sa bansa.
Ayon kay DA Undersecretary Kristine Evangelista, nakasaad rin sa RTL na hindi maaaring mag-import ng bigas ang NFA kahit pa sa liberalisadong kalakalan, kung kaya’t pinag-aaralan nila kung maaaring repasuhin ang nasabing batas.
Target din ng DA na palakasin pa ang NFA para mas tumaas pa ang rice production at import na bigas mula sa mga local farmers.
Matatandaang, pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RTL noong 2019, na naglalayong pababain ang presyo ng bigas sa pamamagitan ng pag-aalis ng quantitative restrictions sa pag-import ng bigas kapalit ng pagbabayad ng mga importer ng taripa, kung saan ang kikitain mula rito ay gagamitin para sa kapakinabangan ng mga local farmers sa bansa.