Friday, February 6, 2026

RIDER AT BACKRIDE NITO, SUGATAN MATAPOS MASALPOK NG WING VAN ANG SINASAKYANG MOTORSIKLO SA UMINGAN

Sugatan ang isang rider at ang kanyang backride matapos masalpok ng isang wing van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Barangay Amaronan, Umingan, Pangasinan, bandang alas-tres ng hapon noong Pebrero 5, 2026.

Batay sa paunang imbestigasyon, binabaybay ng motorsiklo ang nasabing kalsada patungong hilaga nang bigla umanong pumasok sa kabilang linya ang kasalubong na aluminum wing van na patungong timog, dahilan upang aksidenteng mabangga ang motorsiklo.

Dahil sa banggaan, nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang rider at ang kanyang backride, kapwa residente ng Nueva Ecija.

Agad silang isinugod sa Umingan Community Hospital para sa agarang medikal na atensyon, habang hindi naman nasugatan ang driver ng wing van.

Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyang sangkot sa insidente na inaalam pa ang kabuuang halaga ng gastusin sa pagkukumpuni.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Umingan Municipal Police Station ang mga sasakyan para sa wastong disposisyon at patuloy na imbestigasyon.

Facebook Comments