Nadakip ang isang rider at babae matapos umanong makuhanan ng shabu sa Cubao, Quezon City, Linggo ng gabi.
Pero depensa ng nahuling babae, imbis na pera, shabu ang ibinayad ng lalaki matapos silang magtalik.
Kinilala ang mga suspek na sina Rhea Calumba, 24, at Jomar Ofcemia, 34
Naaresto sila sa isinagawang buy-bust operation ng Cubao Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency – National Capital Region, bandang alas-9:30 sa Barangay San Roque, sa naturang lungsod.
Ayon sa pulisya, nakumpiska nila ang ilang sachet ng shabu na nagkakahalagang P20,400.
Nakuha din sa mga salarin ang motorsiklong ginamit, cellphone, at buy-bust money na P500.
Lumabas sa imbestigasyon na nakulong si Calumba noong 2016 dahil sa pagtitinda ng iligal na droga.
At taong 2017, sumuko si Ofcemia sa otoridad na aminadong tulak ng droga.
Subalit, iginiit ngayon ng rider na hindi na siya gumagamit o nagbebenta pa ng shabu. Wala rin umanong nangyari sa kanila ng babaeng suspek.
Sasampahan sila ng kasong illegal possession of drugs na kasalukuyang nakapiit sa Quezon City Jail.